DOJ Sec. Guevarra, maglalabas ng kautusan na bigyang prayoridad ng mga Piskal ang pagresolba sa drug cases
Ipaprayoridad ng DOJ ang pagresolba sa mga kaso ng iligal na droga.
Kasunod ito ng direktiba ni Pangulong Rodrigo Duterte na agad na wasakin ang mga nakukumpiskang iligal na droga ng mga otoridad para maiwasan ang pag-recycle o pagbenta sa mga ito ng mga tiwaling anti drug operatives.
Ayon kay Justice Secretary Menardo Guevarra, maglalabas siya ng kautusan sa lahat ng mga piskal na may hawak ng drug cases na bigyan ng “top priority” ang pagresolba sa mga ito.
Kabilang na rito ang agarang pagsasampa ng kaso sa korte at paghahain ng mosyon sa hukuman para sa ocular inspection at pagsira sa mga iligal na droga sa loob ng panahon na nakasaad sa batas.
Alinsunod anya sa section 21(4) ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act, kailangang magsagawa ang trial courts ng ocular inspection sa mga nasabat na illegal drugs at paraphernalia sa loob ng 72 oras mula nang maihain ang kaso sa korte.
Pagkatapos nito ay dapat anya na sunugin o wasakin ang mga droga ng PDEA sa loob ng 24 oras pagkatapos ng ocular inspection.
Kukuha lang anya ng sample ng droga na gagamitin para sa paglilitis ng kaso.
Dahil dito, ipinunto ng kalihim na mahalagang makapaghain agad ang mga otoridad ng kriminal na reklamo para mas maaga ring masira ang mga nakumpiskang iligal na droga.
In accordance with the President’s directive, the DOJ will issue a memo circular to all prosecutors investigating drug cases to give top priority to the resolution of the same, to file the informations asap, and to move for a court order to conduct ocular inspection of and destroy the seized drugs, precursors, etc within the time specified in RA 9165.
– Justice Sec. Menardo Guevarra
Moira Encina