Justice Sec. Remulla binalewala ang nakaambang ICC ruling sa apela ng gobyerno laban sa drug war probe
Hindi nababahala si Justice Secretary Crispin Remulla sa kalalabasan ng desisyon ng appeals chamber ng International Criminal Court (ICC) ukol sa apela ng Pilipinas na huwag ituloy ang imbestigasyon sa giyera kontra droga ng bansa sa nakaraan.
Sa July 18 ilalabas ng appeals chamber ang ruling nito sa apela ng gobyerno ng Pilipinas laban sa drug war probe.
Ayon kay Justice Secretary Crispin Remulla, walang epekto sa bansa ang anuman na magiging ruling ng ICC at hindi nila ito maipapatupad sa Pilpinas dahil hindi na miyembro ng ICC ang bansa.
Iginiit ng kalihim na ang apela na inihain ng Pilipinas ay bilang pakikisama o paggalang sa ICC kahit kumalas na ang Pilipinas sa organisasyon.
Aniya, kung adverse o hindi paborable sa Pilipinas ang ruling ng appeals chamber ay ayos lang ito.
Nanindigan si Remulla na hindi makapapasok sa bansa ang ICC para ipagawa sa Pilipinas ang nais nito.
Moira Encina