Justice Secretary Menardo Guevarra, hindi tatanggapin ang nominasyon sa kaniya bilang Associate Justice ng Korte Suprema
Tinanggihan ni Justice secretary Menardo Guevarra ang nominasyon sa kanya bilang Associate Justice ng Korte Suprema.
Ngayong araw ang deadline ng pagsusumite ng mga requirements ng mga nominado at aplikante sa binakanteng Associate Justice post ni Chief Justice Diosdado Peralta.
Sa kanyang pagdalo sa 3rd Prosecutors League of the Philippines-NCR conference, sinabi ni Guevarra na mananatili muna siya sa DOJ bilang kalihim.
Ayon kay Guevarra, mahal na mahal pa niya ang DOJ.
Madami pa rin anya siyang trabaho na kailangang gawin sa DOJ gaya ng pagpunan sa mga bakanteng posisyon sa National Prosecution Service.
Gayundin madaming backlog ng mga Petition for Review na kailangan niyang aksyunan.
Inamin ni Guevarra na noong 2016 ikinonsidera niyang maghain ng aplikasyon sa Supreme Court pero nagbago ito nang siya ay mahirang bilang kalihim ng DOJ.
Muli namang nagpasalamat si Guevarra kay retired Sandiganbayan Justice Raoul Victorino sa pagrekomenda sa kanya sa Kataas-Taasang Hukuman.
Pero hindi isinasara ni Guevarra ang posibilidad na mag-apply siya sa Supreme Court sa hinaharap dahil may limang taon pa naman bago siya sumapit sa edad na 60- anyos na mandatory retirement age sa mga SC Justices.
Ulat ni Moira Encina