Justice Secretary Menardo Guevarra nagpaliwanag kung bakit natatagalan ang paglilitis sa drug case ni dating Senador Leila de Lima
Madami raw kadahilanan kung bakit natatagalan ang paglilitis sa kaso ng iligal na droga laban kay dating Senador Leila de Lima.
Ito ang pahayag ni Justice secretary Menardo Guevarra kaugnay sa ika-isanlibong araw na pananatili sa kulungan ni De Lima.
Nilinaw ni Guevarra na sa simula pa lang ang direktiba niya sa mga DOJ prosecutors ay pabilisin ang paglilitis sa mga kaso laban kay De Lima.
Pero madami aniyang factors o kadahilanan kung bakit natatagalan ang usad ng mga kaso.
Kabilang na aniya rito ang madaming bilang ng mga akusado at testigo, ang pag-iinhibit ng mga hukom at ang kalendaryo ng mga kaso sa mga Korte.
Bukod sa mga ito ay ang iba-ibang mga mosyon at petisyon na isinasampa sa mas mataas na hukuman at iba pa.
Si De Lima ay inaresto at ikinulong noong February 24, 2017 dahil sa pagkakasangkot sa drug trafficking sa loob ng Bilibid nang siya pa ang kalihim ng DOJ.
Ulat ni Moira Encina