Justice Secretary Vitaliano Aguirre, hindi umano magbibitiw sa kabila ng mga batikos sa pagbasura ng DOJ sa kaso laban sa mga Drug lords

 

Umalma si Justice secretary Vitaliano Aguirre II sa mga panawagan na magbitiw na ito sa puwesto kasunod ng pagkakabasura ng DOJ Panel sa kasong illegal drug trading laban sa mga itinuturong bigtima Drug Lords na sina Peter Lim at Kerwin Espinosa.

Giit ng kalihim, dapat hintayin na lamang ng mga grupong humihirit ng kaniyang resignation na si Pangulong Rodrigo Duterte mismo ang sumibak sa kaniya sa posisyon.

Pawang espekulasyon lamang din aniya ang mga alegasyon ng mga militanteng Kongresista at iba pang kritiko sa kaniya gaya ng protektor daw siya ng mga drug lords.

Hinamon pa ni Aguirre ang mga ito na maglabas ng ebidensya sa mga alegasyon laban sa kaniya at kung wala ay mabuting manahimik na lamang ang mga ito.

Kaugnay nito, muling naghugas-kamay si Aguirre sa resolusyon ng National Prosecution service na nag-abswelto kina Lim at Espinosa.

Sinabi pa ni Aguirre na kahit Disyembre pa ng nakalipas na taon lumabas ang resolusyon at Pebrero ngayong taon naisumite na sa tanggapan niya ang Petition for Automatic review sa kaso ay nito lamang Martes niya nalaman ang kinalabasan ng pagdinig sa DOJ Panel.

Sinisi rin ni Aguirre ang PNP-CIDG dahil sa mahina at kulang ang ipinrisintang ebidensya sa piskalya na duminig sa kaso.

 

Ulat ni Moira Encina

 

Please follow and like us:

Leave a Reply

Your email address will not be published. Required fields are marked *