Justice Secretary Vitaliano Aguirre nilinaw na hindi pa tuluyang abswelto ang mga big time drug lords na sina Peter LIm at Kerwin Espinosa
Nilinaw ni Justice Secretary Vitaliano Aguirre II na hindi pa tuluyang abswelto sa kasong iligal na droga ang mga itinuturing na big time drug lords na sina Peter Lim, Kerwin Espinosa at Peter Co at iba pang personalidad.
Ayon sa kalihim, ang pagkakabasura sa drug trafficking case laban sa tatlo at sa iba pang respondents ay hindi nangangahulugang pinal nang abswelto ang mga ito sa mga kriminal na pananagutan.
Paliwanag ni Aguirre, sa ilalim ng umiiral na panuntunan sa DOJ, dadaan pa sa automatic review ng justice secretary ang mga nababasurang drug cases.
Ito rin anya ang dahilan kung bakit hindi inilabas sa media ng DOJ ang resolusyon ng panel na noon pang nakaraang Disyembre lumabas.
Kasabay nito, itinanggi ni Aguirre na may kinalaman siya sa resolusyon ng National Prosecution Service na nagbabasura sa kasong isinampa ng PNP-CIDG laban kina Lim.
Itinuturing lang ng kalihim na ‘slight bump’ sa giyera kontra droga ang pag-abswelto ng piskalya laban sa mga drug personalities.
Pero umaasa si Aguirre na magsilbing wake-up call ito sa lahat ng concerned agencies na pagbutihin ang trabaho mula sa paghuli ng mga drug suspects at patibayin at palakasin ang mga kasong inihahain laban sa mga ito.
Ulat ni Moira Encina