K-12 Program, pinaaalis ng ilang Senador
Nais ni Senador Alan Peter Cayetano na ibalik na sa lumang curriculum ang sistema ng pagtuturo sa mga pampublikong eskwelahan sa buong bansa.
Ayon sa Senador, hindi nakatulong ang K to 12 program para itaas ang kalidad ng edukasyon.
Katunayan, nagkaroon aniya ng learning poverty sa Pilipinas mula nang ipatupad ang K to 12 program.
Sa budget hearing sa pondo ng Department of Education, tinukoy ni Cayetano ang World Bank Report sa East Asia sa sektor ng edukasyon na nagsasabing siyam sa bawat sampung batang Pilipino ang hindi marunong magbasa at intindihin ang detalye ng kaniyang binabasa.
Sinabi pa ng Senador ito’y dahil sa umikling oras ng klase lalo na sa mga public schools.
Sa ngayon maraming eskwelahan partikular na sa Metro Manila ang shifting ang oras ng klase.
Sa datos ng DepEd, aabot sa 2, 814 na mga eskwelahan ang nagpapatupad ng dalawa hanggang apat na shift na klase dahil yan sa kakulangan ng classrooms.
Mayorya rito ay nasa Metro Manila at CALABARZON Region.
Sinabi pa ni Cayetano, bukod sa maikling panahon sa pag-aaral, masyadong expose ang mga kabataan sa gadgets at social media.
Mungkahi ni cayetano, paglaanan ng mas malaking pondo ang sektor ng edukasyon dahil ito ang mag- aahon sa kahirapan ng mga Pilipino.
Sabi ng DepEd, tinutugunan nila ang krisis sa edukasyon kasama na ang training sa mga guro.
Pero kailangan ng suporta at mas malaking pondo para magawa ang reporma sa edukasyon.
Meanne Corvera