K9 units sinimulan nang i-deploy sa Bilibid; technology-driven prison security system, ipatutupad ng BuCor
Kaalinsabay ng pagdiriwang sa ika-117 anibersaryo ng pagkakatatag ng Bureau of Corrections (BuCor) ay ipinatupad na rin ang ilang reporma sa kawanihan.
Pangunahin na rito ang pagkakaroon ng technology-driven na security system sa loob ng New Bilibid Prisons (NBP).
Ayon kay BuCor OIC Gregorio Catapang Jr., sa pamamagitan nito ay matutugunan ang problema sa kakulangan ng mga tauhan at ang isyu sa pagbabantay mismo sa mga kawani.
Maliban sa X-ray machines, metal detectors, at jammers, kabilang sa multi-layer prison security system na ipatutupad ay ang paggamit ng drones at facial recognition technology sa parehong BuCor personnel at inmates.
Kasama rin sa security system, ang mga equipment na puwedeng mag-detect ng cellphones at magpatay nito.
Gayundin, magkakaroon ng sariling LTE o broadband network ang NBP para sa seguridad at cost efficiency.
Ayon kay Catapang, uumpisahan muna na gamitin ang mga high-tech gadget sa Maximum Security Compound.
Sa ngayon ay may outsource technical personnel na mag-o-operate muna ng sistema habang sinasanay ang mga tauhan ng BuCor sa paggamit ng mga teknolohiya.
Bahagi rin ng reporma at pagpapaigting ng seguridad sa national penitentiary ay ang pag-deploy sa inisyal na 30 K9 Units sa Gate 4 ng Bilibid.
May kakayanan ang mga K9 na mag-detect ng cellphones bukod sa mga iligal na droga, bomba at iba pang kontrabando.
Madaragdagan pa ang nasabing bilang ng K9 units dahil sa plano ring lagyan ang iba pang penal colonies ng BuCor.
Sa ngayon ay inuupahan muna ng Bucor gamit ang emergency funds ang mga teknolohiya at ang K9 units dahil hindi ito kasama sa budget ngayong taon.
Gagastos ang BuCor ng P25,000 kada K9 at P25,000 kada handler.
Hindi muna binanggit ni Catapang ang gugol sa state-of-the-art security system dahil ito ay paguusapan pa nila ng security company.
Sinabi ni Catapang na ang mga nasabing hakbangin ay parte ng tactical at operational reforms na tutugunan niya sa susunod na 90 araw o tatlong buwan.
Tatlong taon hanggang limang taon naman ang target ng opisyal para maipatupad ang lahat ng mga kinakailangang reporma sa loob ng kawanihan.
Hinamon naman si Catapang sa mga tauhan ng BuCor na huwag kukurap o magpapabaya sa trabaho at huwag magpapakurap o huwag papayag na masangkot sa mga katiwalian.
Moira Encina