Ka Jun Santos (1941-2021), naging mabisang katuwang ng Pamamahala ng INC
Pumanaw na noong Sabado, Abril 3, 2021 sa sakit na pneumonia ang General Auditor ng Iglesia ni Cristo na si Kapatid na Glicerio B. Santos, Jr. na mas kilala sa tawag na Ka Jun.
Pitumpu’t siyam na taong gulang si Ka Jun na sasapit sana sa kaniyang ika-walumpung taon sa darating na Hunyo a-doce.
Ginunita kamakailan ang ika-limampung taong anibersaryo ni Ka Jun sa Tanggapang Pangkalahatan ng Iglesia.
Naging mabisang katuwang ng Pamamahala ng Iglesia ni Cristo si Ka Jun sa pagtataguyod ng mga programa para sa kapakanan ng mga kaanib at hindi kaanib sa Iglesia ni Cristo.
Sa atas ng Tagapamahalang Pangkalahatan, ang Kapatid na Eduardo V. Manalo, pinangunahan ni Ka Jun ang mga proyekto para sa kabuhayan sa ilalim ng Unlad Kabuhayan International gaya ng eco-farming, dried fish, garments at housing projects dito sa Pilipinas at iba pang panig ng mundo gaya sa America, South Africa at Latin American countries.
Ang mga programang ito ay bilang bahagi ng paglaban sa kahirapan na nagbunsod sa World Wide Walk for Typhoon Haiyan at World Wide Walk to Fight Poverty, na kapwa nagresulta sa pagtatamo ng pagkilala ng Guinness World Records.
Sa atas din ng Tagapamahalang Pangkalahatan, inilunsad ng Ka Jun ang mga malalaking Lingap sa Mamamayan o Aid to Humanity sa iba’t ibang panig ng mundo.
Sa gawaing pagpapalaganap ay pinangunahan niya ang Kabayan Ko, Kapatid Ko o My Countryman, My Brethren at mga Lingap-Pamamahayag.
Naging instrumento rin ang Ka Jun sa pagtatayo ng Philippine Arena, ang pinakamalaking indoor arena sa buong mundo, na ipinagkawang-gawa ng Iglesia ni Cristo sa gobyerno ng PIlipinas para ipagamit sa paglaban sa COVID-19.
Bukod pa rito ang iba’t ibang mga donasyong ginawa ng Iglesia ni Cristo sa mga ospital at lokal na pamahalaan para sa pagbaka sa pandemya.
Sa panahon ng pandemya, naging malaking suporta si Ka Jun sa pagsisikap ng Eagle Broadcasting Corporation sa paghahatid ng saya at pag-asa sa mga mamamayan.
Sa pamamagitan ito ng suportang ibinigay niya sa mga programang Happy Time, Kesaya-saya, Unlad Kaagapay sa Hanapbuhay, Tagisan ng Galing, Himig ng Lahi, Eat’s Singing Time, Letters and Music, Ang Daigdig Ko’y Ikaw, Ikaw ay Akin, at sa mga news program na Pambansang Almusal, BaliTalakayan, Agila Pilipinas, Mata ng Agila at Eagle News International gayundin ang pelikulang The JukeBox King – a life story of Victor Wood.
Sinuportahan rin ng Ka Jun ang pagbabagong anyo ng Eagle FM 95.5 na ngayon ay nagtataguyod ng classic music.
Naulila ni Ka Jun ang kaniyang maybahay na si Dr. Annie P. Santos (PhD) at mga anak na sina Dr. Glicerio ‘Sergie” P. Santos III, Atty. Glicerio “GP” P. Santos, IV, Gertrudes ‘Jet” P. Santos at Gertrudes P. Santos-Matias