Ka Totoy Talastas (1928-2021) Ang “Dekano ng mga Komentarista sa Radyo”
Pumanaw na ang tinaguriang “Dekano ng mga Komentarista sa Radyo” na si ka Totoy Talastas dahil sa cardiac arrest.
Nakilala si Ka Totoy bilang isang mahusay na komentarista sa radyo sa kanyang programang Liwanagin Natin sa DZEC 1062 Khz noong dekada 80.
Ang talas ng memorya ni Ka Totoy ang isa sa mga katangiang nagustuhan ng kanyang mga tagapakinig lalo na kung kasaysayan ang pag-uusapan. Ito ang mga panahong wala pang Google search, kung kayat ang mga katulad ni ka Totoy ang sinasangguni kung may nais alamin at maliwanagan patungkol sa kasaysayan.
Lalo pang lumawak ang audience ni ka Totoy nang ang Liwanagin Natin ay sabay na isinahimpapawid sa telebisyon sa pamamagitan ng Net25.
Ito ang isa sa mga kauna-unahang radio program sa bansa na sabay na napapanood sa telebisyon.
Si ka Totoy bilang Tatay sa Himpilan:
“Kailangan lagi mo siyang i-kiss at babatiin kapag nakasalubong mo at higit sa lahat bukas palad po siya sa kanyang mga itinuturing na anak sa himpilan. Higit sa lahat walang puwedeng gumalaw ng typewriter niya kahit conputerized na ang mundo” -Meanne Corvera
“Ang di ko makalimutan sa Ka Totoy minsang nagreport ako sa programa nila, binati ko sya ng “Good morning Ka Totoy.” Kaso di pala nai-up agad ng tech yung audio ko kaya ang narinig na lang niya ay yung “Vic”. Pagkatapos ko magreport akala ko may itatanong si Ka Totoy, yun pala sisitahin niya ako kung bakit si Vic lang ang binati kom eh dalawa sila sa programa. Nagtampo siyang parang tatay.” -Madelyn Villar Moratillo
“Lagi niyang sinasabing ang ganda ko raw at gusto niyang ako ang nag- aayos ng damit niya. Yung tungkod niya gusto niya ako rin ang mag aabot sa kanya at ako rin ang aalalay sa kanya”. – Liza Flores (Production Assistant)
“Ang laging payo niya sa akin, ugaliing laging maging masaya na pinagbubuti ang paggawa sa himpilan.” Jet Hilario Jr.
Si Ka Totoy bago umupo sa announcer’s booth:
“Dapat may mga diyaryo na sa lamesang ginagamit nila ni Ma’m Weng sa programa kasi sinisilip niya ang headlines, minsan pati inside pages ay binabasa.” -Liza Flores (Production Assistant)
“Naging close kami ni Ka Totoy dahil lagi siyang naghahanap ng diyaryo pagdating nya sa opisina. Tuwing darating siya hinahanap ako para humingi ng diyaryo dahil madalas ako ang nadadatnan niya sa umaga. Sa akin din siya humihingi ng bond paper kung saan isusulat niya ang topic na tatalakayin niya sa programa.” -Kukay Tarrayo (News Producer)
Si ka Totoy ay nakapagpapayo rin kung ang problema ay lovelife:
“Pagkatapos ng programa namin Liwanagin, kasama ako naghahatid papuntang parking lot kung saan naghihintay siya ng service niya, habang naglalakad kami tinanong niya ako, “Bakit di ka pa nag-aasawa?”Sabi ko nabigo ako sa pagibig. Sagot niya eh di humanap ka ng bagong pag-ibig” -Charo Gregorio (Production Assistant)
Si Ka Totoy bilang mentor:
“Sampung taon din kaming magkasama ni Ka Totoy sa programang Liwanagin Natin. Lagi niya akong pinapayuhan na huwag titigil sa pagbabasa para sa dagdag kaalaman at higit sa lahat huwag lalaki ang ulo. Bago kami humarap sa mikropono nagkakaroon kami ng pagpapalitan ng opinyon sa mga isyu na aming tatalakayin para lalong malalim ang pagtalakay. Sa personal na karanasan si Ka Totoy ay itinuring kong Tatay.” -Vic Somintac
“Sabi sa akin ni Ka. Totoy… Gen mula nang makilala kita hanggang ngayon mababang loob ka, kahit ano mangyari wag mo aalisin yan…Dapat laging nakatapak ang mga paa mo sa lupa.”- Gen Subardiaga
“Panahon pa ni Pangulong Marcos, nakikinig na ako kay Ka Totoy Talastas. Nakikinig ako dahil sa marami akong natutunan sa mga pagtalakay nya, di ko siya kinakaligtaan. Hindi ko inaasahan na darating ang panahon na makakadaupang palad ko si ka Totoy. 1992 ay naging bahagi ako ng himpilan. Maraming payo si Ka Totoy na tumimo sa akin lalo pa nabigyan ako ng pagkakataon na mangomentaryo sa radyo. Maraming pagkakataon na sinasangguni ko siya sa maraming isyu at nakakuha ako ng maraming kaalaman mula sa kanya. Hanggang dumating ang pagkakataon na naka-tandem si Ka Totoy. Hindi ako makapagsalita sa una naming airing, Totoy Talastas na labis kong hinahangaan ang kapartner ko. Bagamat sandaling panahon lamang iyon ay lalo akong namulat sa ibat ibang pananaw. Napakalaki ng naging bahagi ni ka Totoy sa mga ginagawa ko sa ngayon. Malaki ang naging impluwensiya niya sa aking kaisipan lalo na sa pagtalakay sa mga mahahalagang isyu.” -Bay Hilario