Kabayanihan ng 5 tauhan ng DPWH na namatay sa rescue operations sa bagyong Ulysses, kinilala
Binigyang-pugay ng Malakanyang ang kabayanihan ng limang tauhan ng Department of Public Works and Highways o DPWH na namatay habang nagsasagawa ng clearing operations sa kasagsagan ng bagyong Ulysses.
Sinabi ni Presidential Spokesman Secretary Harry Roque nagpapasalamat si Pangulong Rodrigo Duterte at ang buong sambayanan sa kabayanihan at kagitingan ng mga search and rescue frontliners dahil sa kabila ng mga pagsubok ay itinataya ang kanilang buhay para sa kaligtasan ng kapwa.
Nakakilala ang mga itinituring na bayani na sina Roldan Pigoh, Joel Ballag Chur-ig, Johnny Duccog, kasama ang dalawang engineer na sina John Mutug Limoh at Julius Gulayan, na pawang kabilang sa quick response team ng DPWH.
Nasawi ang lima matapos matabunan ng landslide habang nagsasagawa ng clearing operation sa Nueva Vizcaya-Ifugao-Mt Province Road, sa Sitio Nabito, Barangay Viewpoint sa Banaue, Ifugao.
Ayon kay Roque, nakasaad sa batas na may espesyal na bayad na makukuha ang mga manggagawa ng gobyerno na namatay habang tinutupad ang tungkulin.
Niliwanag ni Roque hindi ang halaga ng pera ang pinag uusapan kundi ang pasasalamat ng buong bansa sa kabayanihan ng lima.
Inihayag ni Roque saludo ang pamahalaan sa dedikasyon ng mga search and rescue frontliner sa pagtupad ng kanilang tungkulin sukdulang ibuwis ang kanilang buhay.
Vic Somintac