Kabiguan na maipatupad ang batas ukol sa pagtatayo ng Rainwater Collectors sa mga Barangay, nais paimbestigahan ng isang Kongresista
Paiimbestigahan ni Surigao del Sur Cong. Johnny Pimentel sa Kamara ang batas na nag-aatas ng pagtatayo ng rain water collectors sa lahat ng barangay sa bansa.
Ang hakbang ng Kongresista ay kasunod ng matinding tag-init na nararanasan sa maraming lugar sa bansa dulot ng El Niño.
Giit ng mambabatas, 1989 pa naging batas RA 6715 o ang Rainwater Collector and Springs Development Law.
Nakasaad rito ang pagtatayo ng ‘Rainwater harvesters’ sa lahat ng barangay sa bansa na maaaring gamitin sakaling magkaroon ng kakulangan ng suplay sa tubig o kaya ay makaranas ng matinding tag-init sa bansa.
Giit ni Pimentel kailangan makita kung saan nagkaroon ng problema kung bakit hindi naipatutupad ang nasabing batas para agad magawan ng paraan.
Ayon sa PAGASA, nasa 71 lalawigan sa bansa ang nakaranas ng kawalan ng tubig kung saan maraming pananim ang nasira at mga pamilya na apektado ang kabuhayan at kalusugan.
Ulat ni Madelyn Moratillo