Kabute, Mabuti sa Kalusugan pati sa Kabuhayan

logo

Ang kabute o mushroom ay may iba ibang variety, may tinatawag na white oyster, gray oyster, pink oyster, milky mushroom, paddy straw mushroom at iba pa. Maraming mushroom farmers sa Nueva Ecija.

Sa pag aaral na ginawa ng Central Luzon State University o CLSU, sa tulong Philippine Council For Health Research and Development o PCHRD, lumabas na ang kabute ay may malaking maitutulong upang maiwasan ang high blood pressure, mataas na kolesterol, diabetes at sa kasalukuyan ay patuloy na sinasaliksik ang potensyal nito upang malabanan ang cancer.

Ayon kay Dr. Renato Reyes, Mushroom Project Leader ng CLSU, sa pamamagitan ng Tuklas Lunas Program ng DOST-PCHRD, ay nagsagawa sila ng masusing pananaliksik tungkol sa benepisyong dulot ng kabute sa kalusugan ng tao.

Sa kasalukuyan, ang kabute ay ginagamit na rin bilang sangkap sa pagkain tulad ng noodles, burger, cookies at maraming iba pa.

Sa aspetong pangkabuhayan, malaki ang naitutulong ng mushroom technology mula sa CLSU kung saan may Mushroom Center.

Sinabi ni Dr. Reyes na ilang mushroom farmers ang nanghingi sa kanila ng tulong upang mapasulong ang taniman nila ng kabute sa pamamagitan ng mabilis na paraan.

Samantala, ayon naman kay Dr. Emily Soriano, Senior Science Research Specialist / Mushroom Expert mula sa Department of Agriculture-Central Luzon Integrated Agricultural Research Center, madali lamang ang pagtatanim ng kabute.

Sa pagtatanim nito maaring magamit ang mga waste products na available sa kanilang lugar halimbawa ay dayami, kusot, ipa, at mga tuyong dahon.

Sa pamamagitan ng mga nabanggit ay magagawa na ang tinatawag na Fruiting bag preparation.

Ang mga kakailanganin naman sa prosesong nabanggit ay saw dust o kusot, rice bran o darak, molasses, lime o apog.

Hugasan ang kusot gamit ang hose paagusin ang tubig sa ibabaw ng sako hanggang sa ilalim para maalis ang acidity ng kusot at hayaang matuyo.

Kapag wala nang asim ang kusot, ikalat ito sa sahig.

Ilagay ang darak o rice bran ilagay ang apog o lime.

Ilagay na ang molasses …kung walang molasses maaaring ipalit ang asukal na pula.

Haluing mabuti ang mga sangkap.

Kapag nahalo na ay hayaan muna ito sa loob ng 14 na araw.

Takpan ng sako o plastic. Haluin ito tuwing ikalawang araw.

Para sa mas detalyadong proseso at kaalaman sa ukol sa mushroom farming maaaring bisitahin o puntahan ang Tuklas Lunas Program Ng DOST-PCHRD o sa DA- Central Luzon Integrated Agricultural Research Center.

Maaaring ibenta ang bunga ng kabute sa mga pamilihan o kahit sa mga canteen o restaurants na nangangailangan nito.

Ang kabute ay pwedeng iproseso para maging noodles, chips, chicharon, at iba pa.

Dito nakikita natin na ang kabute ay hindi lang healthy, pwede pang pagkakitaan kaya, kabute ay mabuti!

Please follow and like us: