Kabuuang bilang ng mga namatay sa pananalasa ng bagyong Jolina, patuloy pang bineberipika ng NDRRMC
Kinumpirma ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) na tatlo sa death toll sa pananalasa ng bagyong Jolina ay nalunod.
Gayunman, sinabi ng NDRRMC, na patuloy pa ang kanilang validation sa napaulat na 14 namatay sa bagyo, 5 sugatan at 3 pang nawawala.
Ang 3 nalunod ay pawang mga lalaki mula sa Marinduque pero hindi pa malinaw ang sanhi ng pagkalunod.
Samantala, sinabi ng NDDRMC na pumalo na sa 313,373 ang bilang ng mga indibidwal na naapektuhan ng paghagupit ng bagyong Jolina noong nakalipas na linggo.
Katumbas ito ng 81,048 families mula sa 1,346 Barangay sa Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol Region, Western Visayas, Eastern Visayas, Soccsksargen, at National Capital Region.
Mula sa nasabing bilang, 2,958 o 11,212 indibidwal ang nananatili sa 181 evacuation centers habang ang iba ay nakikituloy sa kanilang mga kamag-anak o kakilala.
Pumalo naman sa 8,924 ang bahay na napinsala ng bagyo mula sa mga rehiyon ng Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western Visayas, at Eastern Visayas kung saan 8,942 rito ay partially damaged at nasa 432 ang tuluyan nang nawasak.
Pagdating sa agrikultura, pumalo sa 628 million ang napinsala sa mga pananim habang nasa 57 million naman ang pinsala sa imprastraktura.