Kafala system, inalis na ng Qatari Government
Magandang balita para sa mga OFW sa Qatar.
Inanunsyo ng Department of Labor and Employment na inalis na ng gobyerno ng Qatar ang “kafala” system.
Ang kafala ay isang employment sponsorship system na ginagamit sa pagmonitor sa migrant laborers na nagtatrabaho sa construction at domestic sectors sa Gulf Cooperation Council member states at neighboring countries gaya ng Bahrain at Kuwait .
Sa ilalim ng Kafala system, ang isang migrant workers ay kailangang kumuha muna ng permiso mula sa kanyang employer kung nais nyang lumipat ng kumpanya o trabaho.
Kasabay nito nagpasalamat si Labor Secretary Silvestre Bello III sa gobyerno ng Qatar dahil sa malaking tulong ito sa pagpapabuti ng work conditions lalo na ng mga OFW.
Sa ulat ng Philippine Overseas Labor Office sa Qatar, sinabi ni Bello na ang mga migrant workers na nais lumipat ng employer kahit na hindi pa tapos ang kanyang kontrata ay hindi na kailangang kumuha ng No Objection Certificate mula sa kanyang kasalukuyang employer.
Ayon kay Bello, malaking tulong ito lalo na sa OFW sa Qatar na nawalan ng trabaho dahil sa epekto ng COVID-19 pandemic.
Sa datos ng DOLE, nasa 241 libo ang bilang ng mga Pinoy sa Qatar na syang ika-4 sa largest destination ng land-based OFW sa Middle East.
Madz Moratillo