Kahabaan ng Padre Faura sa Maynila, isinara dahil sa pagtitipon ng mga Pro at Anti Sereno
Sarado na ang kahabaan ng Padre Faura St. sa Maynila dahil sa isinasagawang pagtitipon ng mga tagasuporta at mga kritiko ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno.
Ngayong araw inaasahan ang botohan ng mga Mahistrado ng Korte Suprema sa inihaing Quo Warranto petition laban sa Punong Mahistrado.
Kagabi pa lamang ay pumuwesto na sa harapan ng Centennial Building ng Korte Suprema ang mga supporters ni Sereno malapit sa Taft Avenue habang ang mga kontra naman kay Sereno ay sa tapat ng DOJ Building naka-puwesto.
Ikinasa na rin ng mga opisyal at empleyado ng Hudikatura ang Red Friday protest para ipanawagan ang pagbibitiw ni Sereno.
Ikinasa naman ng mga pro-Sereno ang Jericho march na pinangunahan ng Coalition for Justice at inaapila ang pagbasura sa Quo warranto.
Ang quo warranto proceedings ay sasabayan ng pagtitipon ng mga kawani at opisyal ng Korte Suprema sa pangugnuna ng Supreme Court Employees Association o SCEA sa courtyard ng Kataas-taasang Hukuman.
Ulat ni Moira Encina