Kahon-kahong mga gamot na idineklarang PPE, nasabat sa MICP
Kahon kahon ng mga gamot na iligal na ipinuslit sa bansa ang nasabat ng Bureau of Customs sa Manila International Container Port.
Ayon sa BOC, ang shipment ay idineklara bilang mga Personal Protective Equipment partikular na ang facemasks.
Pero matapos inspeksyunin, nakitang iba’t ibang uri ng gamot at medicinal ointments pala ang laman ng mga ito.
Inihayag ng BOC, walang import permits o clearance mula sa mga kaukulang ahensya ng pamahalaan gaya ng Food and Drug Administration ang nasabing shipment.
Ang kargamento ay naka-consign sa F.E.R.N. Freight Enterprises.
Nababahala ang BOC sa maaaring maging epekto sa kalusugan ng paggamit ng mga gamot na hindi dumaan sa pagsusuri ng FDA kung nakalusot ito sa merkado at hindi nila naharang.
Naglabas na rin ng warrant of seizure and detention laban sa nasabing shipment dahil sa mga posibleng paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act.
Tiniyak naman ng BOC ang mahigpit na pagbabantay para matiyak na walang makakalusot ng mga iligal na kargamento sa bansa kahit sa panahong ito ng pandemya.
Madz Moratillo