Mga bakuna ng Sinovac, naipadala na sa Mimaropa Region
Nakarating na sa rehiyon ng Mimaropa ang mga bakuna ng Sinovac na donasyon ng Chinese government sa bansa.
Ito ay sa pakikipagtulungan ng dalawang aerial assets ng Philippine Coast Guard (PCG) at Department of Health (DOH).
Sa pangunguna nina PCG pilots Commander Jose Mari Cucharo at Commander Alejo Suare ng Coast Guard Aviation Force (CGAF), ligtas na nakarating sa rehiyon ang mga bakuna.
Dalawang kahon ng mga bakuna ay dadalhin sa Mamburao, Occidental Mindoro, 3 kahon naman sa Calapan, Oriental Mindoro, at tig-isang kahon ay para sa Gasan, Marinduque at Alcantara, Romblon.
Inaasahang unang makatatanggap ng bakuna ang mga Medical workers at Frontliners sa mga nabanggit na lugar bilang pagsisimula ng maramihang pagbabakuna kontra Covid-19 sa rehiyon.