Kakapusan ng puting sibuyas pakana lang umano ng mga smuggler sa DA ayon kay Senador Imee Marcos
Hindi naniniwala si Senador Imee Marcos na may kakulangan sa suplay ng puting sibuyas sa bansa.
Ayon sa Senador, lumang modus na ito ng mga umanoy smuggler na namumuno sa Department of Agriculture (DA).
Babala ng Senador, hindi niya titigilan ang mga sindikato sa loob ng D-A na sumasabotahe para itago ang mga agricultural products.
Naniniwala ang Senador na sibuyas naman ang target ng mga sindikato matapos ibasura ni Pangulong Bongbong Marcos ang planong pag iimport ng tone-toneladang asukal gayong nasa panahon na ng anihan.
Katunayan, ayon sa Senador matapos madiskubre ang kalokohan sa importasyon ng asukal nitong nakaraang linggo, nasabat naman ng mga otoridad ang mahigit 36 na milyong halaga ng mga ipinuslit na sibuyas na idineklarang mga spring roll patties at plain churros sa Misamis oriental.
Hindi na aniya nakapagtataka kung sa susunod na linggo babaha ang mga puslit na sibuyas sa merkado.
Hindi naniniwala ang Senador na may kakapusan ng sibuyas dahil wala namang naiprisintang imbentaryo hinggil dito ang Department of Agriculture.
Meanne Corvera