Kakulangan ng Gobyerno sa pagtugon sa Pandemya, nais imbestigahan ng Senado
Nais ng mga Senador na muling magpatawag ng pagdinig ng Senado para imbestigahan ang kakulangan ng Gobyerno sa pagtugon sa pandemya.
Sumulat na sina Senador Francis Pangilinan, Ralph Recto at Nancy Binay kay Senate President Vicente Sotto III para hilingin na muling mag-convene ang Committee of the Whole.
Nais ng mga Senador na pagpaliwanagin ang mga opisyal ng Gobyerno dahil nagpatupad ng dalawang linggong Enhanced Community Quarantine pero walang mass testing at kulang ang contact tracing.
Katunayan mismong si Contact Tracing czar Benjamin Magalong ang nagsabi na kapos ang contact tracing ng gobyerno.
Sa pamamagitan rin ng pagdinig masusunod kung aling mga ahensya pa o Departamento ng Gobyerno ang may nakaimbak na mga pondo para may maibigay na ayuda sa mga mahihirap na pinakamatinding apektado ng pandemya.
Giit ni Pangilinan, pera ang kailangan ngayon ng mga ordinaryong tao para maka-survive sa Pandemya.
Meanne Corvera