Kalagayan ng mga OFW at kanilang mga pamilya, pinatututukan ni Pangulong Marcos sa DMW
Nais ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na paigtingin ang database management ng Overseas Filipino Worker upang matukoy ang bilang ng mga kababayan nating nagtatrabaho sa iba’t-ibang bansa at maging ang bilang ng mga nais nang umuwi upang maibigay sa kanila ang nararapat na serbisyo.
Ito ang ipinahayag ni Department of Migrant Workers (DMW) Secretary Susan “Toots” Ople.
Ayon kay Ople, gusto rin ng Pangulo na magkaroon ng mga programa para sa mga OFW na uuwi ng bansa upang makahanap ng trabaho, at matulungan sila mula sa mga angkop na programa ng pamahalaan.
Ipinag-utos din aniya sa kaniya ni Pangulong Marcos na tingnan ang kalagayan ng mga pamilya ng mga OFW lalu na’t kung ang anak ay parehong OFW ang mga magulang.
Disyembre 2021 nang malikha ang DMW matapos lagdaan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11641 na mangangalaga sa kapakanan ng mga OFW.