Kaligtasan ng motorist dapat ikunsidera sa panukalang itaas ang maximum speed limit sa mga expressways – TRB
Dapat isaalang-alang ang kaligtasan ng mga motorista sa panukalang taasan ang speed limit sa mga expressways sa bansa.
Ito ang niliwanag ng Toll Regulatory Board (TRB) sa harap ng panukalang itaas ang maximum speed limit sa 140 kilometers per hour (kph) sa mga pribadong sasakyan at 120 kph sa mga bus na isinusulong ni Ilocos Sur Rep. Ronald Singson.
Sa panayam sa NET25 TV/Radyo program na Ano sa Palagay Nyo? (ASPN) sinabi ni TRB Spokesperson Julius Corpuz na kasalukuyan pang binabalangkas ang nasabing panukala.
Inatasan aniya ng House Committee on Transportation ang Department of Public Works and Highways (DPWH) na bumuo ng technical working group (TWG) para balangkasin at aralin ang panukala.
Sinabi ni Corpuz na nakikipagtulungan ang TRB sa TWG kasama ang iba pang ahensya ng gobyerno at mga toll operators.
“Bagama’t gusto po nating mabigyan ng mabilis at kumportableng paglalakbay ang mga motorist na gumagamit ng expressway ay hindi naman po natin pwedeng isantabi ang kaligtasan naman ng ating mga motorista,” paliwanag ni TRB Spokesman Julius Corpuz.
“Kami po ay makikipag-ugnayan ng husto dito sa technical working group na ito nang sa ganun ho ay kung ano man ang pwedeng magandang benepisyo kung talagang kailangan bang itaas ang speed limit ng ating expressways ay atin pong, thoroughly can looked into it with other departments of the government,” dagdag na pahayag pa ni Corpuz.
Sa panukala, binibigyan din ng karapatan ang Department of Transportation (DOTr) na magtakda ng speed limit sa ilang bahagi ng expressways.
“Kami po’y nagpapasalamat na in the proposed bill meron pong provision diyan na may provision na kung saan isinaad na ang DOTr, ang aming mother agency, ay mayroon ding karapatan na mag-set ng safe speed limit sa ating mga expressways , particularly dito sa mga narrow and binding portions ng mga expressways natin,” sinabi pa ni Corpuz.
Sinabi ni Corpuz na itinakda ang mga speed limit batay sa technical considerations at guidelines ng DPWH.
Samantala, tuluy-tuloy naman ang isinasagawang audit ng TRB sa sa expressway conditions.
May mga ibinaba na rin aniyang orders ang TRB sa mga toll operators para sa rehabilitation ng mga bahagi ng expressway na kailangang isa-ayos sa lalong madaling panahon.
“Sa kanilang toll fees na sinisingil, dapat they have to properly maintain and operate the expressway, ang tanggapan natin ay nagsasagawa non-stopng audit sa expressway conditions,” paliwanag pa ng TRB official.
“Katunayan, may mga rehabilitation orders na kaming nailabas in some section na kailangan ayusin, yung mga nasirang section, as soon as possible,” dagdag pa ni Corpuz.
Weng dela Fuente