Kalusugan pangkaisipan, Dapat pinaguusapan
Magandang araw sa inyong muli mga kapitbahay!
Dahil sa sitwasyon natin ngayon na marami ang nagkakasakit at dinadapuan ng Covid-19, at bunga ng pandemya, marami sa ating mga kababayan ang nawalan ng trabaho o mapagkakakitaan.
Marami din ang nauwi sa depresyon.
Kaya nga mahalagang mabigyang pansin at ma-educate ika nga ang bawat isa ukol sa kalusugang pangkaisipan, importante na mapag-usapan ang ukol sa mental health.
Ayon sa National Institute of Mental Health, ang kahulugan ng mental illness ay physical illness of the brain that causes disturbance in thinking, behavior, energy or emotion that make it difficult to cope with the ordinary demand of life.
Marami ang hindi naipagagamot dahil sa stigma na nakaakibat o maling kaisipan na kapag may problema sa mental health ay iisipin agad na baliw, luko-luko, krungkrung at kung ano-ano pang katawagan. Kaya nga dapat talagang maging aware tayo kung kailan dapat humingi ng tulong at kung sino ang lalapitan.
Mali na may problema sa kaisipan at ang gagawin ay itatali o ikukulong dahil nahihiyang malaman ito ng iba.
Ayon sa mga espesyalista, kapag pinabayaan lamang, nangangahulugan ng mas malaking gastusin. Maliban pa sa hindi magiging produktibo sa paaralan o tanggapan man, nababawasan o nawawalan ng oportunidad at tumataas ang panganib ng suicide.
Naitanong natin kay Ms. Mirasol Pineda ng Philippine Mental Health Association o PMHA, ano ba ang dapat gawin kapag naramdaman mong may mental health problem ang iyong kasama sa bahay, o kaibigan, o kahit katabi mo sa opisina? Ang sabi niya, tulad ng iba pang sakit, kailangang magpunta sa duktor para malaman kung ano ang sakit at kung paano ito gagamutin.
Ganun din kapag may mental health problem, bigyan agad ng tulong, alisin ang stigma. Mas mabuting maagapan agad para maiwasang lumala ang kundisyon.
Dagdag pa ni Ms Mirasol na mahalagang maunawaan ang kalagayan ng isang nagdaranas ng depresyon. Maging ang sensitivity.
Dito papasok ‘yung obserbasyon natin na parang may kakaiba dun sa tao. Na dati naman palaayos, bakit hindi na ngayon? Laging tahimik samantalang masayahin naman dati.
May behavior na di akma sa sitwasyon.
Samantala, sa ating nakuhang impormasyon, meron tayong pwedeng magawa para makatulong sa mga may mental health problem….
- ipakita natin ang respeto at pagtanggap sa kanila
- laging isaisip na sila man ay meron ding kaparehong karapatan at oportunidad, tulad din ng iba pang miyembro ng komunidad
- ang pag-alam pa ng karagdagang impormasyon ukol sa mental health ay pwedeng maging daan para lalo tayong makapagbigay ng suporta.
Kung may first aid na ginagawa sa panahon ng mga aksidente o sakuna, meron ding first aid when it comes to mental health. At ito nga ay ang pagiging aware natin o well-educated ukol sa mental disorders.
Sabi pa nga ni Ms. Mirasol mahalaga din ang tulong ng pakikinig, listening.
Sana ay nakatulong ang ating usapan ngayon para maunawaan natin ang ating mga kababayan na dumaranas ng depresyon.