Kamala Harris, inendorso ni LeBron James para maging pangulo
Inendorso ng all-time leading scorer ng NBA na si LeBron James, si Vice President Kamala Harris para maging pangulo.
Si James ang pinakabagong celebrity na nagpahayag ng suporta sa Democratic vice president sa kaniyang kampanya laban sa Republican na si Donald Trump.
Sa kaniyang social media post ay nakasaad, “What are we even talking about here?? When I think about my kids and my family and how they will grow up, the choice is clear to me. VOTE KAMALA HARRIS.”
Si Harris, ay una na ring inendorso ng ilang malalaking celebrities gaya ng aktres na si Meryl Streep, komedyanteng si Chris Rock, dating talk show host na si Oprah Winfrey, at mga superstar singers na gaya ni Beyonce at Taylor Swift.
Nagpost ng isang 75-second video compilation ang Los Angeles Lakers na si James, na maglalaro sa kaniyang 22nd season sa NBA matapos pangunahan ang Team USA sa Olympic gold sa Paris Games, na nagpapakita ng “rhetoric” ni Trump at ng kaniyang supporters laban sa minorities at immigrants.
Si Harris ang magiging unang babae at unang Black woman na magiging pangulo kung siya ang mananalo sa halalan sa Martes.
Si James, na isang Black, ay aktibo noon pa sa pag-endorso ng Democratic candidates. Noong 2016 ay inendorso niya ang Democrat na si Hillary Clinton sa halip na si Trump. At noong 2020 ay inendorso rin niya ang Democrat na si Joe Biden laban kay Trump.
Tinatangka ni Harris na mapalakas ang boto mula sa kalipunan ng Black men, isang voting bloc na pinangangambahan ng ilan sa kaniyang advisers na pumapabor na kay Trump.
Batay sa Reuters/Ipsos polls noong October, sinabi ng 63% ng Black men na si Harris ang kanilang iboboto, mas mababa ng 8 points mula sa share ni Biden sa 2020 election. May 19% naman ng Black men ang nagsabi noong October na si Trump ang kanilang iboboto, kumpara sa 17% na nagsabing siya ang kanilang susuportahan noong October 2020.
Sa ilang Democratic circles, may mga pag-aalala na ang maraming celebrity supporters ay maaaring “mag-fuel” ng backlash. Pakiramdam ng iba, si Clinton na natalo laban kay Trump sa 2016 election, ay lumikha ng “elitism image” dahil sa mga celebrity na nangangampanya para sa kaniya.