Kamara at Senado magpupulong para imbestigahan ang umano’y paghack sa server ng COMELEC
Pinaiimbestigahan ni Senador Imee Marcos sa Kamara at Senado ang hindi pa rin humuhupang isyu ng umano’y paghack sa automated election system ng COMELEC dahil sa pinangangambahang failure of election.
Naghain ng resolusyon si Marcos , para hilingin na magconvene ang Committee on Electoral reforms ng dalawang kapulungan para alamin kung may batayan ang alegasyon.
Pinadadalo sa imbestigasyon ang mga opisyal ng Comelec, National Privacy Commission, Department of Information and Communications Technology Cybercrime Investigation and Coordinating Center NBI at ang pahayagan ang naglabas ng impormasyon.
Ayon kay Marcos kailangang matiyak na hindi mangyayari ang failure of elections na maaring magresulta ng Constitutional crisis.
Sa ilalim ng Omnibus Election pwedeng ideklara ang failure of elections dahil sa fraud o panloloko.
Ayon din sa Republic Act 7166, ang mga dahilan para sa failure of election ay maaring mangyari bago pa man, sa gitna o pagkatapos ng pagbilang ng mga balota.
May halos tatlong linggo na lang magsasagawa ng sesyon dahil sa ikalawang linggo ng Pebrero magkakaroon ng break para bigyang daan ang kampanya.
Meanne Corvera