Kamara at Senado, target na ipasa ang pambansang budget sa susunod na linggo
Nagconvene na ang Kamara at Senado bilang Bicameral Conference Committee para plantsahin ang ilan sa mga magkakaibang probisyon sa panukalang 5.268 Trillion National budget.
Labimpitong Senador ang present habang labing apat na miyembro ng house contingent.
Ayon kay Marikina Representative Estella Quimbo, Vice Chairman ng House Committee on Appropriations, aabot sa 215 billion pesos na halaga ng pondo ang inilipat ng Senado na wala sa inaprubahang bersyon ng Kamara.
Ayon kay Senador Sonny Angara, kabilang sa kanilang binago mula sa budget na inaprubahan ng Kamara ang pagre-align o paglilipat ng confidential funds ng iba’t ibang tanggapan ng gobyerno na aabot sa 172 million pesos.
Kabilang na rito ang kontrobersyal na 150 million pesos na confidential fund ng Department of Education na ginawa na lamang 50 million pesos.
Bukod pa rito itinaas ng Senado ang budget para sa disaster response, ang pondo para pensyon ng mga indigent, senior citizens at retirement benefits ng mga empleyado ng IBC-13.
Nasa unprogrammed funds naman aniya ang dagdag na pondo para sa dobleng pensyon ng mga nakatatanda pero hinahanapan na raw ito ng budget.
Meanne Corvera