Kamara, handang tulungan ang DOJ sa imbestigasyon sa smuggling ng Agri-products sa bansa
Tutulong ang Mababang Kapulungan ng Kongreso sa Department of Justice ( DOJ ) at National Bureau of Investigation ( NBI ) sa ikinakasang imbestigasyon kaugnay sa smuggling ng sibuyas at iba pang produktong agrikultural.
Ito ang tiniyak ni Congressman Mark Enverga, Chairman ng House Committee on Agriculture and Foods kasunod ng utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na siya ring Kalihim ng Department of Agriculture (DA) sa DOJ at NBI na imbestigahan ang talamak na smuggling ng mga agricultural products na malaki ang epekto sa sektor ng agrikultura.
Nagpapasalamat si Enverga kay Pangulong Marcos Jr. dahil sa pagsuporta sa posisyon ng Agri and Food Committee ng Kamara na kailangan ang malalimang imbestigasyon kaugnay ng cartel operations ng iba’t-ibang produktong agrikultural na nakakaapekto sa suplay at sa presyuhan.
Ayon kay Enverga, handa ang Kamara na magbigay ng mga importanteng impormasyon sa DOJ at NBI ukol sa operasyon ng smuggling at cartel, na lumutang sa mga nakalipas na pagdinig ng komite.
Inihayag ni Enverga na umuusad na ang panukalang batas sa Kamara na mag-aamyenda sa Anti-Agricultural Smuggling Law kung saan isasama ang hoarding, price manipulation at profiteering sa listahan ng ituturing na economic sabotage na may kaakibat na mabigat na kaparusahan.
Vic Somintac