Kamara, hiniling kay PBBM na sertipikahang urgent bill ang panukalang amyenda sa RTL para bumaba ang presyo ng bigas
Personal na hiniling ni House Speaker Martin Romualdez kay Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., na sertipikahang urgent bill ang isinusulong sa kamara na amyenda sa Rice Tariffication Law o RTL.
Sa isang ambush interview ay sinabi ni Romualdez, na kung ma-aamyendahan ang RTL at maibalik sa kamay ng National Food Authority (NFA) ang karapatan na magbenta ng bigas, ay maaaring bumaba ng 10 hanggang 15 pesos ang presyo ng kada kilo ng bigas para makabili ang publiko ng 30 pesos kada kilong bigas mula sa 50 hanggang 60 pesos kada kilo na kasalukuyang market price.
Ayon kay Romualdez, sa ilalim ng RTL, ang papel ng NFA ay mag-imbak lamang ng bigas bilang buffer stock ng gobyerno na magagamit sa panahon ng kalamidad para sa relief operations.
Inihayag ni Romualdez na kung sesertipikahan ni PBBM na urgent bill ang panukalang amyendahan ang RTL, ay maipapasa ito ng kamara at senado bago ang sine die adjournment ng kongreso sa May 24 ng taong kasalukuyan.
Ayon kay Romualdez, “Siguro alam mo naman na nagaganap ngayon yung Committee on Agriculture dito sa mga amendments sa Rice Tarrification Law. Ginagawa natin ito kasi sabi ng Presidente we have to find ways na ibaba natin ang presyo ng bigas. So yung tinatarget natin na by June we should bring the price of rice down by at least 10 or even 15 pesos na close to 30 pesos kada kilo. We will do this by having the NFA bring to the market affordable rice para sa lahat ng mamamayan na pwede silang bumili ng abot kaya na presyo ng mga 30 pesos. So ito po ang maAari nating mga amendments na pinapaspasan natin saka we urge our friends in the Senate na gawin nila itong urgent and we will ask and coordinate with the Office of the President. Ito po ang gusto talaga ng ating Presidente na ibaba ang presyo ng ating bigas para sa mamamayan. So that’s our announcement because our committee on agriculture, aaraw-arawin nila itong mga hearing para ipasok itong mga amendments para magkakaroon tayo ng mas mababang presyo ng bigas sa lahat.”
Vic Somintac