Kamara hiniling sa Malakanyang na maglaan ng pondo para sa mga magsasaka na maaapektuhan ng El Niño
Hindi sapat na i-alerto ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang ibat-ibang ahensiya ng pamahalaan para paghandaan ang magiging epekto ng El Niño phenomenon sa bansa.
Sinabi ni House deputy Speaker Camille Villar na kailangang mayroong contingency measures ang gobyerno sa mga magsasaka na pinakaapektong sektor sa epekto ng El Niño.
Dahil dito naghain ng House Resolution number 1024 si Deputy Speaker Villar upang magkaroon ng government interventions at matulungan ang mga lokal na magsasaka.
Ayon kay Villar kailangang maglaan ang malakanyang ng pondo na gagamiting ayuda sa mga magsasaka na maapektuhan ng intense weather condition na dulot ng El Niño phenomenon.
Niliwanag ni Villar noong tumama ang El Niño sa bansa noong 2019 tinatayang umabot sa 8 bilyong piso ang pinsala sa sektor ng agrikultura.
Binigyang diin ni Villar importante na masiguro ang food security ng bansa sa panahon ng El Niño.
Vic Somintac