Kamara inoobliga ng Senado na ipasa ang panukalang budget bago matapos ang Oktubre
Umaapila ang mga Senador sa Kamara na maitransmit na ang panukalang Pambansang Budget bago matapos ang Oktubre.
Ayon kay Senate President Vicente Sotto III, sana ay magawa ni House speaker Lord Allan Velasco ang kanyang commitment na pagtibayin on time ang budget.
Nag-aalala si Sotto dahil halos wala na aniyang pahinga ang Senate secretariat at mga miyembro ng Legislative Budget research and monitoring office kung sa November 5 pa ito maisusumite ng Kamara.
Iginiit naman ni Senador Panfilo Lacson na hindi na maaring amyendahan ng Kamara ang anumang inaprubahan at isusumiteng budget ng Senado.
Plano kasi umano ng mga Kongresista na kahit naisubmit na sa Senado ang kopya, bubuo pa ito ng komite para plantsahin ang ilang probisyon sa budget.
Pero paalala ni Lacson, nakasaad sa Article VI, Section 26 ng 1987 Constitution na hindi na maaring ipasok ang anumang amendments sa sa anumang panukala oras na maaprubahan na ito sa third reading.
Meanne Corvera