Kamara kakasuhan ang mga nasa likod sa price manipulation ng sibuyas
Tiniyak ng House Committee on Agriculture na may mga irerekomenda silang kasuhan kaugnay sa nangyaring price manipulation at cartel ng sibuyas sa bansa.
Ito’y matapos na mahubaran ng mascara ng komite sa mga isinagawang pagdinig ang mga nasa likod ng cartel at pagmanipula sa presyo ng sibuyas na pumalo mula P500 hanggang P700 kada kilo sa mga nakalipas na buwan.
Sinabi ni Congressman Mark Enverga, chairman ng House Committee on Agriculture and Food na papasyahan ng panel sa susunod na linggo kung tatapusin na ang investigation in aid of legislation at determinahin kung sino ang mga kakasuhan sa isyu.
“Well we will have to review all details that were discussed through the hearings to reassess if there will be cases filed,” paliwanag ni Cong. Enverga sa isang statement.
“But so far, could be, there’s a high probability that there would be personalities to be charged in the committee report,” dagdag pa ni Enverga.
Sinabi ni Enverga na ilang lehislasyon ang kailangang isulong upang hindi na maulit ang ginagawang price at supply manipulation ng mga agricultural products kasama ang sibuyas.
Inihayag ni Enverga mayroon nang panukalang batas sa Kamara na mag-a-amyenda sa Anti Agricultural Smuggling Act at Price Act upang ituturing na economic sabotage at patawan ng mas mabigat na parusa ang anomang uri ng hoarding, profiteering at price manipulation ng mga agricultural products.
Ibinunyag ni Enverga na si Lea Cruz na binansagang Sibuyas Queen ang pasimuno ng price manipulation at hoarding ng supply ng sibuyas sa bansa kaya umabot sa P700 ang kada kilo ng sibuyas noong 2022 gamit ang kanyang group of companies na Philippine Vegetable Exporters and Vendors Association of the Philippines Incorporated.
Idinagdag ni Enverga na lumutang din sa imbestigasyon ng Kamara ang pangalan ng mga kasosyo ni Cruz na sina Eric Pabilona, operator ng pinakamalaking cold storage ng sibuyas at si Renato Francisco, stockholder ng Yom Trading at La Reina na pinakamalalaking importer ng sibuyas sa bansa.
Naniniwala ang komite ng wala talagang shortage ng supply ng sibuyas sa bansa kundi kagagawan lamang ito ng Sibuyas Queen na si Lea Cruz para manipulahin ang supply at presyo ng sibuyas.
Vic Somintac