Kamara lalabag daw sa Konstitusyon kung ipipilit ang charter change ng walang kaparehong version ang Senado
Nagbabala si Senate Minority Leader Franklin Drilon na lalabag sa konstitusyon ang kamara kapag ipinilit ang pagdaraos ng Constituent Assembly praa amyendahan ang saligang batas kahit walang counterpart measure sa senado.
Ayon kay Drilon, walang saysay ang hakbang ng kamara dahil kailangang dalawang kapulungan o ang Senado at Kamara ang magsagawa ng chacha.
Anumang mabubuong amyenda o draft constitution ng kamara, hindi naman maaring isalang sa plebesito dahil mahigpit na ipinagbabawal na maglaan ng pondo o hindi maaring gumastos ang Comelec kung walang approval ng dalawang kapulungan.
Nauna nang iginiit ni House Deputy Speaker Fredenil Castro na maaaring mag -convene ang kamara bilang con-ass dahil sa nangyaring deadlock sa pagitan ng senado at kamara sa isyu ng chacha.
Nauna nang inamin ng senate leadership na mas pabor sila sa Constitutional Convention bilang paraan ng chacha lalo na kung igigiit ang joint session at joint voting ng kamara.
Samantala, minaliit ng liderato ng Senado ang panawagan ni House Speaker Pantaleon Alvarez na huwag iboto ang mga senador na hindi papabor sa federalismo.
Ayon kay Senate President Aquilino Pimentel, hindi siya nababahala sa anumang negative campaign.
Si Pimentel ay isa sa senador na kakandidatong re-electionist sa 2019 midterm elections.
Ulat ni Meanne Corvera
=== end ===