Kamara magsasagawa na rin ng imbestigasyon sa isyu ng Socorro Bayanihan Services Incorporated
Nais ni House Committee on Human Rights Chairman Congressman Benny Abante na maimbestigahan na rin ng Kamara ang kontrobersiya laban sa Socorro Bayanihan Services Incorporated o SBSI sa Sitio Kapihan, Surigao del Norte.
Dahil dito naghain ang mambabatas ng House Resolution 1326 upang siyasatin ng mga kongresista ang mga posibleng paglabag ng SBSI sa mga karapatang-pantao ng kanilang mga miyembro.
Batay sa mga naunang ulat ang SBSI na pinamumunuan ngayon ni Jey Rence Quilario o kilala sa tawag na Senyor Agila ay may mga aktibidad na mala-kulto at nakaka-apekto sa mga miyembro.
Mayroon din umanong report ukol sa puwersahang pagpapakasal sa pagitan ng mga menor de edad pati ang karapatan ng mga bata sa edukasyon ay nahahadlangan batay sa reports ng School Division Office ng Department of Education o DepEd sa lalawigan ng Surigao.
Nauna nang nagsagawa ng hiwalay na imbestigasyon ang Senado tungkol sa mga akusasyon laban sa SBSI.
Vic Somintac