Kamara, makikisawsaw na rin sa imbestigasyon ng PNP officials kaugnay ng P6.7B shabu bust
Humirit na rin ng sariling imbestigasyon ‘in aid of legislation’ ang Kamara de Representante, sa umano’y cover-up ng matataas na opisyal ng Philippine National Police (PNP) sa kaso ng nakumpiskang 990kg ng shabu sa Tundo, Maynila noong Oktubre ng nakaraang taon.
Sa nasabing drug bust ay naaresto si Police Master Sgt. Rodolfo Mayo.
Sinabi ni Congressman Robert Ace Barbers, chairman ng House Committee on Dangerous Drugs, na aalamin ng Kamara kung gaano kalalim ang operasyon ng ilegal na droga sa hanay ng pambansang pulisya.
Bagama’t wala aniyang prosecutorial power ang Kongreso, maaari naman silang magrekomenda ng kaso sa korte batay sa mga impormasyon at ebidensya na makakalap sa mga isasagawang imbestigasyon, para mapanagot ang mga opisyal at tauhan ng PNP na protektor ng mga sindikato ng ilegal na droga.
Sinabi ni Barbers na napapanahon ang isinasagawang deliberasyon ng Kongreso sa panukalang amyendahan ang umiiral na Anti-Illegal Drugs Law.
Sa ilalim ng bagong batas, isasama sa papatawan ng mabigat na parusa ang mga opisyal at tauhan ng gobyerno na protektor ng sindikato ng illegal na droga.
Sa report, ilang mga matataas na opisyal ng PNP Drug Enforcement Group (DEG) ang iniimbestigahan ng binuong Special Investigation Task Group (SITG) ng National Police Commission (NAPOLCOM), kaugnay ng sinasabing cover-up sa kaso ni Mayo.
Vic Somintac