Kamara nagbigay ng commitment sa Senado na tatapusin ang mga problema sa detalye ng budget habang naka-adjourn
Nagbigay na ng commitment ang liderato ng Kamara na tatapusin ang detalye ng Pambansang budget kahit nakabakasyon ang Kongreso.
Sa harap ito ng maagang pag-adjourn sa Kamara dahil sa bangayan sa House Speakership.
Ayon kay Senador Sonny Angara, chairman ng Senate Committee on Finance, tumawag sa kanya si House Speaker Alan Peter Cayetano at ang kaniyang counterpart sa Mababang Kapulungan at nangakong magbibigay ng advance copy para mapag-aralan na ito ng mga Senador.
Bumuo na rin aniya ng 15 man small group committee ang Mababang Kapulungan para rebyuhin at himayin ang mga isyu sa budget na posibleng kumain ng mahabang oras at debate.
Ang proposal aniya ni Cayetano, anumang maaprubahan ng small group na amendments ay unti-unting isusumite sa Senado para agad ma-review ng mga Senador.
Pero aminado si Angara na maraming Senador ang nangangamba na mauwi ito sa re-enacted budget.
Hindi kasi aniya papayag ang mga Senador na hindi mahimay ang bawat detalye ng budget at madaliin ang proseso para lamang maabot ang target na deadline.
Sinabi rin ni Senador Panfilo Lacson, imposible nang maaprubahan ang budget bago matapos ang taon kahit pa iklian ang proseso.
Hindi rin aniya sila nakasisiguro na ang isusumiteng amendments ay pinal dahil hindi naman ito napagtibay sa plenaryo ng Kamara.
Dismayado rin si Senate President Vicente Sotto sa naging aksyon ng Kamara na dinamay pa ang approval ng budget.
Pagtiyak ni Sotto hindi sila papayag na ma-railroad ang panukalang Pambansang Budget.
Babala naman ng Senador, hindi dapat isisi sa Senado kung magkaroon ng re -enacted o delay sa approval ng budget dahil ginawa nila ang kanilang trabaho .
Ang nakikita namang solusyon ni Senate majority leader Juan Miguel Zubiri magpatawag na lang ng special session pagkatapos ng break sa December 19.
Nakikipag ugnayan na umano ang Senado sa Kamara at Malacañang para plantsahhin ang gusot hinggil dito.
Meanne Corvera