Kamara nangakong pagtitibayin ang dagdag na pondo ng DND at AFP sa 2024 proposed National budget
Tiniyak ni House speaker Martin Romualdez na palulusutin ng mababang kapulungan ng Kongreso ang dagdag na pondo ng Department of National Defense o DND at Armed Forces of the Philippines o AFP para mapalakas ang depensa ng Pilipinas sa internal at external agression.
Sinabi ni Speaker Romualdez na suportado ng Kamara ang AFP Modernization program ng Ferdinand Marcos jr. administration upang maprotektahan ang territorial integrity ng bansa.
Ayon kay Romualdez sa pamamagitan ng modernisasyon ng Philippine Army, Philippine Navy at Philippine Air Force ay maipagtatanggol ng Pilipinas ang sovereign rights sa mga pinagtatalunang teritoryo sa South China Sea.
Batay sa 2024 proposed National budget nasa 282.7 bilyong piso mula sa dating 203.4 bilyong piso na nakapaloob sa 2023 national budget ang hinihinging pondo ng DND at AFP sa Kongreso.
Suportado rin ni Romualdez ang diplomatic action ng pamahalaan laban sa China kaugnay ng panibagong pambubully ng Chinese Coast Guard sa supply ship ng Pilipinas sa Ayungin shoal.
Vic Somintac