Kampo ni Chief Justice Sereno, tikom pa rin ang bibig sa isyu ng impeachment case na isinampa laban sa kanya sa mababang kapulungan ng Kongreso
Tahimik pa rin ang kampo ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno kaugnay sa impeachment case na isinampa laban sa kanya sa mababang kapulungan ng Kongreso.
Tumanggi si Supreme Court Public Information Office Atty. Theodore Te na kumpirmahin kung nabasa na o hindi ni Sereno ang impeachment complaint na inihain ng mga grupong VACC at Vanguard of the Philippine Constitution Incorporated.
Tiniyak naman ni Te na maglalabas sila ng pahayag sa tamang panahon pero hindi ito ngayon.
Hindi lumahok si Sereno sa botohan ng mga mahistrado kaugnay sa hinihinging dokumento ng VACC at Vanguard para sa impeachment case kung saan inaprubahan ito ng en banc.
Nang tanungin naman sa posibilidad na ipatawag si Te bilang witness sa impeachment complaint, sinabi ng SC Spokesperson na binabasa at inihahayag lamang niya ang mga desisyon ng Korte Suprema.
Isa si Te sa anim na tinukoy ng abogadong si Larry Gadon na maging possible witness sa ihahain niyang reklamo laban sa punong mahistrado dahil sila ay nasa tanggapan ni Sereno na nakakaalam ng mga dokumento na maaring ungkatin sa impeachment hearing.
Kahapon ay pormal na ring sumulat sa Supreme Court si Gadon para humingi ng kopya ng mga dokumento na susuporta sa kanyang reklamo.
Kabilang na rito ang resulta ng psychological exam ni Sereno nang siya ay mag-apply bilang Chief Justice at mga dokumento kaugnay sa bidding at pagbili ng Toyota Land cruiser ni Sereno.
Ulat ni: Moira Encina