Kampo ni CJ Sereno iginiit na walang katotohanan ang mga alegasyon sa impeachment case laban dito
Kinontra ng kampo ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang deklarasyon ng House Committee on Justice na may sapat na porma at substansya ang impeachment complaint ni Atty. Lorenzo Gadon laban sa punong mahistrado.
Ayon sa tagapagsalita ni Sereno na si Atty. Carlo Cruz, walang katotohanan ang mga alegasyon sa impeachment case ni Gadon laban sa Chief Justice.
Katwiran pa ni Cruz marami sa mga paratang laban kay Sereno ay hindi naman suportado ng ebidensya at ibinatay lamang sa hearsay o lumabas na mga balita sa dyaryo.
Hindi rin aniya papasa bilang impeachment offense ang mga paratang laban sa Chief Justice.
Naniniwala si Cruz na politika ang motibo sa paghahain ng impeachment case laban kay Sereno para sirain ang kredibilidad nito.
Nagbabala pa si Cruz na ito ay mapanganib sa pagiging independyente ng hudikatura.
Sinabi pa ni Cruz na hinihintay ni Sereno ang opisyal na kopya ng reklamo at handa itong dumaan sa kaukulang legal remedy.
Umaasa aniya ang Chief Justice na magkakaroon siya ng patas, transparent at makatwirang pagkakataon na mailahad ang kanyang panig at magpapasya ang Kongreso batay sa merito ng kaso.
Ulat ni: Moira Encina