Kampo ni Cong. Teves kumpiyansang mahina ang kasong murder na isinampa kaugnay sa Degamo killing
Naninindigan ang kampo ni suspended Negros Oriental Congressman Arnulfo Teves Jr. na mahina ang murder case na isinampa laban sa kaniya matapos maghain ng recantation ang mga suspect-witnesses sa kaso.
Ipinagpatuloy ng Department of Justice ang pagdinig sa kaso ng pagpatay kay Negros Oriental Governor Roel Degamo kung saan dumalo ang kampo ni Teves.
Dumalo rin ang mga suspect sa pamamagitan ng video conferencing at pormal na sinumpaan ng lima pang suspect-witnesses ang kanilang affidavit of recantation.
Noong nakaraang linggo ay nauna nang pinanumpaan ng lima pang mga suspect ang kanilang affidavit of recantation.
Sinabi ng legal counsels ni Teves na kailangan pa rin ng testimonial evidence kahit pa may circumstantial evidence laban sa kanilang kliyente.
Anila, hihina ang kaso kung walang testigo at testimonya laban kay Teves.
Malalaman umano kung talagang independent ang DOJ prosecutors kung ibabasura nito ang reklamo o kung itutuloy pa rin nito na iakyat sa hukuman kahit walang testigo laban sa mambabatas.
Sa July 17 ang susunod na hearing kung saan inaasahan na magsusumite ng counter affidavit ang respondent.
Maghaharap din ng mosyon ang mga abugado ni Cong. Teves para i-rekonsidera ng DOJ panel of prosecutors ang kanilang pagbasura sa giit nilang motion for inhibition.
Sinabi ni Atty. Andres Manuel, isa sa legal counsel ni Cong. Teves, nais nilang malinawan sa motion for reconsideration ang batayan ng mga prosecutors sa pagbasura ng kanilang urgent motion to inhibit.
Sa pagdinig nitong Lunes sa DOJ, sinabi ng legal counsel na hindi naglabas ang panel of prosecutors ng written resolution ng kanilang denial ng inbition.
Aniya, iginiit ng mga piskal na sapat na ang minutes ng pagdinig noong nakaraang linggo kung saan sinabi ng mga ito na hindi pinagbigyan ang mosyon ng kampo ni Teves.
Moira Encina