Kampo ni de Lima inihirit sa Korte Suprema na ibasura ang kaso laban dito at palayain sa lalong madaling panahon
Inihirit ng kampo ni Senadora Leila de Lima sa oral arguments ng Korte Suprema na dapat maibasura ang kaso laban sa senadora at mapalaya ito sa lalong madaling panahon.
Tahasang sinabi ni dating Solicitor General Florin Hilbay, abogado ni de Lima, na depektibo ang isinampang kaso laban sa Senadora at walang matibay na ebidensya ang pamahalaan laban dito kaugnay sa Bilibid illegal drug trading.
Inihayag pa ni Hilbay na ang dapat na isinampang kaso laban sa senadora ay direct bribery kung ang ipinaparatang dito ay ang pagtanggap ng pera mula sa mga high-profile inmate sa Bilibid.
Paliwanag pa ni Hilbay, kung ang pinagmulan ng pera ay sa pinagbentahan ng droga ay hindi dapat idawit sa drug trading ang Senadora dahil wala naman itong nalalaman sa pinanggalingan ng salapi.
Ang pagbibigay din anya ng proteksyon sa taong sangkot sa drug trading ay bailable offense o paglabag na maaring piyansahan.
Iginiit pa ni Hilbay na ang Sandiganbayan at hindi ang RTC ang may hurisdikyon sa mga kasong may kinalaman sa katiwalian gaya ng bribery.
Kung ang kaso ay illegal drug trading gaya ng inihain ng DOJ, ang paglabag na ito ay may kinalaman pa din sa posisyon ni de Lima noon bilang Justice Secretary na sakop pa rin ng Sandiganbayan.
Ulat ni: Moira Encina