Kampo ni Mohit Dargani, pumalag sa pahayag ng dalawang Senador
Pumalag ang kampo ni Mohit Dargani ng Pharmally Pharmaceutical Corporation sa pahayag nina outgoing Senador Franklin Drilon at Richard Gordon na sa Hunyo 30 pa ito dapat palayain sa halip na Hunyo 3.
Giit ni Atty. Ferdinand Topacio, abogado ng mga Dargani, isa itong malinaw na paglabag sa ruling ng Korte Suprema sa Balag vs Senate of the Philippines kung saan nakasaad na may limitasyon ang pagpapakulong ng Senado sa isang kinasuhan ng contempt.
Batay sa nasabing desisyon, dapat umanong palayain ang mga ito kapag nag-adjourn na ang sesyon ng senado.
Una rito, sinabi ni outgoing Senate President Tito Sotto na palalayain na sa June 3 kasabay ng sine die adjournment ng Senado sina Pharmally Executives Linconn Ong at Mohit Dargani.
Ang dalawa ay una nang pinatawan ng contempt charge ng Blue Ribbon Committee noong nakaraang taon.
Pero kinontra ito nina Drilon at Gordon at sinabing sa June 30 pa pwedeng lumaya ang dalawa na siyang huling araw ng termino ng mga elected officials.
Giit naman ni Topacio, may sistema ng checks and balances na dapat sundin nina Drilon at Gordon at hindi dapat manaig ang kanilang pansariling interes.
Sa kahuli hulihang, sandali ng termino bilang Senador ay ipinakikita at pinaninindigan pa aniya nina Drilon at Gordon na makapangyarihan ang mga ito.
Sina Ong at Dargani ay 6 na buwan nang nakakulong sa Pasay City Jail matapos i-contempt ng Senado.
Madelyn Villar – Moratillo