Kampo ni Robredo itinanggi na nagpadala ng emisaryo kay Lacson para umatras ito sa presidential race
Wala raw opisyal na emisaryo na ipinadala ang kampo ni Vice- President Leni Robredo sa ibang kandidato sa pagka-pangulo.
Ito ang tugon ng tagapagsalita ni Robredo na si Atty. Barry Gutierrez sa pahayag ni Sen. Panfilo Lacson na may mediator mula sa panig ng Bise-Presidente para siya ay umurong sa Presidential elections.
Ibinunyag kamakailan ni Lacson na sa pagkausap sa kanya ng mediator ay nais siyang paatrasin at magkaisa sa iisang kandidato para mas malaki ang tiyansa na manalo laban kay dating Sen. Bongbong Marcos na nangunguna nang malaki sa mga Presidential surveys.
Aminado naman si Gutierrez na bukas pa rin si Robredo sa mga pag-uusap ukol sa pagkakaroon ng unity slate ng oposisyon.
Aniya may ilang grupo at indibiduwal na isinusulong pa rin ang unification ng iba pang kampo ng presidential aspirants.
Moira Encina