Kampo ni SP Sotto , nagbabala sa posibilidad ng malawakang dayaan sa eleksyon sa Mayo
Nagbabala si Senate president Vicente Sotto III na may posibilidad na magkaroon ng malawakang dayaan sa eleksyon sa May 9 .
Ayon kay Sotto, ipinabatid sa kanya ng IT expert na si Atty. Ivan Uy ng Joint Congressional Oversight Committee on Electoral Reforms ng Senado na nagdesisyon ang Comelec na i- upgrade ang internet signal na gagamitin sa transmission ng boto sa 4G mula sa kasalukuyang 3G.
Mas mapapabilis aniya ang transmission ng boto pero ang epekto hindi na mate-trace ang IP address o kung saang vote counting machine nanggaling ang boto.
Sinabi ni Sotto walang maibigay na paliwanag ang Comelec hinggil dito at kokonsultahin pa raw ang DICT.
Nangangamba rin si Senador Ping Lacson baka maulit na naman ang isyu ng pandaraya na nangyari noong nakaraang eleksyon.
Tinukoy nito ang report sa Senado noong 2016 kung saan ilang VCM na ang nagtransmit ng boto sa ilang lugar na hindi pa nakapagdaos ng eleksyon.
Hiniling na ni Sotto kay Senador Imee Marcos na magpatawag agad ng pagdinig para linawin ang isyung ito sa Comelec ,DICT at Smartmatic.
Ayon sa mga Senador walang problema kung pabibilisin ang internet service pero dapat mate trace saan mangagaling ang mga boto.
Meanne Corvera