Kampo ni Vice-President Leni Robredo, hinimok ang Supreme Court na sundin ang Rule 65 ng 2010 PET rules sa pagresolba sa Marcos poll protest case
Isang araw bago ang inaasahang botohan ng Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal (PET) sa Marcos poll protest case,
naghain ng manifestation ang kampo ni Vice-President Leni Robredo sa Korte Suprema.
Sa mahigit 20-pahinang manifestation, nanawagan ang panig ni Robredo sa PET na sundin at panindiganan ang sarili nitong panuntunan sa pagresolba sa protesta ni dating Senador Bongbong Marcos.
Partikular na rito ang Rule 65 ng 2010 Presidential Electoral Tribunal rules.
Ayon kay Romulo Macalintal, abogado ni Robredo, alinsunod sa Rule 65, papayagan ang eksaminasyon ng mga balota mula sa tatlong pilot provinces na nagpapakita ng dayaan o iregularidad.
Nakasaad dito na kapag nabigo ang naghain ng protesta o si Marcos na magkaroon ng substantial recovery ng mga boto sa tatlong pilot provinces na pinili nito ay dapat na ibasura ang protesta nito.
Pero kung mayroon substantial recovery ng boto ay itutuloy ng PET ang recount sa mga balota sa 27 iba pang probinsya at lungsod na tinukoy ni Marcos sa protesta nito na parte ng second cause of action ni Marcos.
Inihain aniya ni Robredo ang manifestation bunsod ng mga ulat na itutuloy pa rin ng PET ang technical examination sa mga lagda at thumbmarks sa voters list sa Lanao del Sur, Maguindanao at Basilan na bahagi ng third cause of action ni Marcos.
Ito ay sa kabila anya na walang substantial recovery ng mga boto at katunayan anya ay mas lumamang pa ng 15 thousand na boto si Robredo kay Marcos sa recount sa tatlong pilot provinces ng Camarines Sur, Negros Oriental at Iloilo.
Sa ilalim ng third cause of action, ipinapawalang bisa ni Marcos ang resulta ng eleksyon sa Basilan, Maguindanao at Lanao del Sur.
Iginiit ni Macalintal na walang third cause of action dahil hindi naman ito kasama sa orihinal na protesta ni Marcos at inihain lang ni Marcos noong nakaraang taon kaya hindi dapat payagan ito ng tribunal.
Ulat ni Moira Encina