Kampo ni VP Leni Robredo, nilinaw na hindi aalisin ang Oplan Tokhang
Hindi aalisin ni Vice-President Leni Robredo ang Oplan Tokhang.
Ito ang ginawang paglilinaw ni Atty. Barry Gutierrez, tagapagsalita ni Robredo.
Paliwanag ni Gutierrez, ang importante ay mabago ang konsepsyon ng taong bayan sa Oplan Tokhang na mukha ng Anti-Drug campaign ng pamahalaan.
Pero sa tokhang na nais ng Bise-Presidente aniya ay walang mamatay at walang sibilyan na madadamay hangga’t maaari.
Pero tanggap naman aniya nila ang realidad na may mga pagkakataong hindi maiiwasan na may mamatay kung manlalaban ang suspek at malagay naman sa panganib ang buhay ng pulis o sibilyan.
Ang nais lang aniya ni Robredo ay mawala ang konsepsyon na ang first option sa mga anti-illegal drug operation ay ang pagpatay.
Sa tanong naman ng pagpapalit ng pangalan ng tokhang, sinabi ni Gutierrez na wala ito sa prayoridad ni Robredo.
Kaugnay nito, umapila naman si Gutierrez sa PNP at NBI na imbestigahan ang mga kumakalat na fake news at iba pang memes sa social media laban sa Bise -Presidente.
Dumami ang mga fake news at memes na ito mula ng tanggapin ni Robredo ang pagiging co-chair ng ICAD.
Duda ni Gutierrez, hindi malayo ang posibilidad na mga drug lord ang nagpopondo ng mga ganitong paninira sa giyera kontra droga ng gobyerno.
Ang Pangulo naman aniya kahit na ang iba pang miyembro ng gabinete ay nagpahayag ng suporta kay Robredo sa paglaban sa iligal na droga.
Binigyang -diin ni Gutierrez na kung papalpak sa trabaho sa paglaban sa droga si Robredo at ang taong bayan naman ang matatalo at ang matutuwa lang ay ang mga sindikato ng droga.
Ulat ni Madz Moratillo