Kampo ni VP Robredo tinutulan ang mosyon ni BBM na decryption at printing ng ballot images kaugnay sa kanyang electoral protest
Nais ng kampo ni Vice-President Leni Robredo na ibasura ng Korte Suprema na umuupo bilang Presidential Electoral Tribunal ang kahilingan ni dating Senador Bongbong Marcos na ipa-decrypt at ipa-imprenta ang ballot images mula sa clustered precincts na sakop ng electoral protest nito.
Sa komento na inihain ng panig ni Robredo, sinabi na premature ang nasabing mosyon ni Marcos dahil alinsunod sa PET rules pinapayagan lang ang nasabing remedyo kung nakompromiso at hindi naipreserba ang integridad ng ballot boxes at mga laman nito.
Katwiran pa ng kampo ng Bise Presidente kailangan pang resolbahin ng PET ang kanilang motion for reconsideration kung ang mosyon ni Marcos ay nakatugon sa istrikting requirement ng PET Rule 17.
Para na rin anilang pinagbigyan ng SC ang kahilingan ni Marcos na Judicial recount at revision of ballots kapag pinayagan ang decryption at printing ng ballot images mula sa sd cards.
Bukod dito para na ring nakapangalap ng ebidensya si Marcos kung pagbibigyan ang mosyon nito.
Ulat ni: Moira Encina