Kananga, Leyte isinailalim na sa State of Calamity matapos ang lindol
Isinailalim na sa State of Calamity ang bayan ng Kananga sa Leyte matapos ang pagtama ng magnitude 6.5 na lindol kahapon.
Ang deklarasyon ay ginawa ni Kananga Mayor Rowena Codilla.
Isa ang nasabing bayan sa matinding naapektuhan ng pagyanig kung saan umabot sa 37 katao ang malubhang nasugatan dahil sa pagguho ng isang tatlong palapag na gusali.
Samantala, sa ulat ng Ormoc City command center, dalawa na ang namatay sa pagyanig habang umabot na 150 katao ang sugatan na dinala sa iba’t-ibang pagamutan sa lalawigan.
Sa isinagawang pagpupulong sa Incident Command post, sinabi ni Engineer Erwin Magallanes ng Energy development corporation na 3 units ng electric generator ang pansamantala nilang ipapagamit sa City Hall building at sa mga power pumps matapos maputol ang suplay ng kuryente at tubig sa lugar.
In-accessible pa rin aniya ang karamihan sa mga kalsada sa Leyte dahil sa mga bitak-bitak na kalye at mga nagbagsakang mga bato na nakaharang sa mga kalsada.