Kanlurang bahagi ng Southern Luzon, Visayas at Mindanao, apektado ng Habagat ngayong Lunes
Habagat o Southwest Monsoon ang umiiral na weather system sa bansa ngayong Lunes.
Ayon sa PAGASA, dahil sa Habagat magiging maulap ang papawirin na may kalat-kalat na pag-ulan sa Kanlurang bahagi ng Southern Luzon, Visayas at Mindanao.
Kabilang sa mga lugar na apektado ay ang Palawan kasama ang Kalayaan Islands, at Occidental Mindoro, Western Visayas, Zamboanga Peninsula, Tawi-Tawi, Sulu at Basilan.
Pinag-iingat sa landslides at flash floods ang mga nasabing lugar lalu na’t kung makararanas ng malakas na buhos ng ulan.
Habang sa Metro Manila at nalalabing bahagi ng Luzon, Visayas at Mindanao ay magiging maaliwalas ang panahon na may tsansa ng mga panandaliang pag-ulan sa dakong hapon at gabi sanhi ng localized thunderstorms.
Ang Tropical Storm Isang na ngayon ay nasa labas na ng Philippine Area of Responsibility at may international name na Omais ay huling namataan sa layong 785 kilometers North, Northeast ng Itbayat, Batanes, taglay ang lakas ng hanging aabot sa 75 kph at pagbugso ng hanggang 90 kph.
Kumikilos ito pa Hilaga, Hilagang-Kanluran sa bilis na 25 kph.
Inaasahang papalo ng hanggang 35 degree celsius ang temperatura sa Tuguegarao, Cagayan at 33 degrees naman sa Metro Manila.
Wala ring nakataas na gale warning sa alinmang baybayin sa bansa dahil magiging banayad hanggang sa katamtaman ang mga pag-alon sa karagatan.