Kapag lagpas na sa expiration date
Happy day sa lahat mga kapitbahay!
May nagtanong sa akin na isang kakilala at ang banggit niya, ‘yun daw peanut butter na ipinadala ng kanyang mother from Texas ay hindi pa bukas, unopened pa, kaso nag-expired na nitong March 2022.
Palibhasa may segment tayo sa Kapitbahay program na … Sabi ni Dok Rylan, kaya isa ito sa itinanong natin sa kanya.
Baka makatulong sa inyo mga kapitbahay at baka isa rin ito sa itinatanong ninyo, puwede pa bang kainin ang expired na?
O puwede pa bang inumin ang gamot na lumagpas na expiry date?
Sabi ni Doc Rylan, tulad ng pagkain, kahit ang mga gamot ay may expiration date din.
Sa totoo lang aniya, kapag halimbawa Marso ang expiration tapos Mayo ngayon, automatic na wala ng bisa ang pagkain o gamot?
Sasabihin ng iba, Doc, itong gamot na nainom ko expired na pala, pero okay naman dahil nawala ang lagnat ko.
Alam po ninyo, hindi naman nawawala ang bisa kapag lumagpas sa expiration date. Whether it’s one day, one week or a month or even one year.
Ang problema ay ang tinatawag na efficacy and safety. ‘Yan ang napakahalaga, ang efficacy and safety kaya nga may matinding quality control.
Kaya nga kapag lumagpas na sa expiration date ay hindi na magagarantiyahan ng kumpanya yung bisa at kaligtasan ng gamit kaya tinatatakan ng expiration date.
Kung halimbawa March ang expiration date at Mayo na, nagkaroon ng emergency at walang magamit o mainom na gamot, maaaring inumin pero, hindi pa rin inirerekumenda para lang makatiyak.
Ang rekumendasyon kasi ay hanggang doon lang sa expiration date.
Kaya nga as much as possible mga kapitbahay, huwag nating panghinayangan na itapon ang mga lumagpas na sa expiration date pagkain o gamot man ang mga ito dahil baka magkaproblema pa sa kalusugan or even legal issues, dahil hindi na tiyak ang efficacy and safety.
Lalo pa nga at hindi maaaring mapanagutan ng kumpanya dahil sa lumagpas na sa expiration date.
Siyanga pala, mga kapitbahay, ugaliin natin na madalas na tingnan ang expiration date ng mga binibiling produkto. Kung sa palagay ninyo hindi naman kailangan bakit kailangan pang bumili?
Nanghihinayang kayo baka kasi kailanganin sa mga hinaharap na panahon, eh, B-O-T-O o Buy One Take One naman, kaso hindi n’yo naman kailangan talaga, madalas, expired na.
Sayang naman lalo pa nga’t ang hirap kitain ang pera, di ba?
Sana makatulong ito sa inyo, hanggang sa susunod ulit!