Kapalaran ni BOC Commissioner Faeldon, nakasalalay sa rekomendasyon ng Kongreso – Sen. Gordon
Nakasalalay sa rekomendasyon ng Kongreso ang magiging kapalaran ni Bureau of Customs Commissioner Nicanor Faeldon.
Ito ang inihayag ni Senador Richard Gordon kasabay ng pagsasabing ang pagsipa kay Faeldon ang isa sa mga posibleng rekomendasyon ng Senado sa gagawin nitong committee report ukol sa isinagawa nitong imbestigasyon kaugnay sa pagkakapuslit ng ₱6.4 bilyong shabu mula China.
Ayon kay Gordon, Chair ng Blue Ribbon Committee, na siyang nagsagawa ng imbestigasyon ukol sa kontrobersiyang bumabalot ngayon sa BOC, malinaw ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na hihintayin nito ang resulta ng imbestigasyon ng Kongreso bago ito gumawa ng aksiyon.
Partikular dito ang desisyon kung mananatili pa o hindi sa kanyang puwesto si Faeldon na malinaw namang nagkaroon ng kabiguan at kapabayaan sa kanyang panig na dahilan nang pagkakapuslit ng naturang kontrabando.
Sinabi ni Gordon, sa committee report ay ilalahad nila ang kanilang mga rekomendasyon at ito’y kanilang isusumite sa Pangulo.
Aniya, wala silang ibang nais kundi ang tanggalin ang katiwalian sa ahensya.
Dagdag pa ni Gordon, lahat ng BOCofficials na pinangalanan ng broker na si Mark Ruben Taguba sa isang executive session na umano’y nasa payola ay kanilang isailalim sa validation.
Una nang sinabi ni Gordon na ‘eroding’ sa ahensya ang isiniwalat ni Taguba na umano’y mula taas hanggang baba ang sangkot.